“Sama-sama, tulong-tulong tungo sa Pangmatagalang Kaunlaran ng mga Magsasaka ng ika-anim na Distrito ng Bulacan”
Gamit ang temang “Sama-sama, tulong-tulong tungo sa Pangmatagalang Kaunlaran ng mga Magsasaka ng ika-anim na Distrito ng Bulacan”, nagtipon-tipon ang ilang samahan ng mga magsasaka at iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para sa “Kamustahan” na inorganisa ni Cong. Salvador “Ka Ador” Pleyto ngayong Araw sa Dulong Bayan, Sta. Maria, Bulacan.
Bilang pakikiisa, nagtungo si Regional Director Toni June Tamayo bilang kinatawan ni TESDA Director General Danilo P. Cruz sa nasabing Bulacan District 6 Farmers and Famers Organizations’ Kumustahan.
Sa nasabing pagtitipon, naroon din si TESDA Bulacan Provincial Director, Ms. Maria Gerty Pagaran at PO’s Senior TESD Specialist/Scholarship Focal, Ms. Daisy Superior.
Sa kanyang mensahe, ipinabatid ni RD Tamayo ang kahandaan at kasiguraduhan ng suporta at tulong ng TESDA sa mga kababayan nating magsasaka at kanilang organisasyon sa pamamagitan ng training at scholarship.
Samantala, tinalakay naman ni PD Pagaran ang mga programa at serbisyo ng TESDA gaya ng iba’t-ibang uri ng scholarship programs, training courses at mga tech-voc institutions na matatagpuan sa District 6. Ibinahagi rin nya ang mga naisagawa ng TESDA para sa rice farmers sa ilalim ng Rice Extension Services Program (RESP).
Layunin ng nasabing Kamustahan ang magbigay prayoridad sa mga magsasaka at kanilang organisasyon na nangangailangan ng tulong at suporta mula sa gobyerno upang maisulong ang kanilang sektor.